Saan ko isusugal itong kaisa-isang buhay na ito? Sa payak at madaling buhay ba? Sa mahirap ngunit makahulugang buhay? Sa kayamanan, karunungan? Sabi ni Aristotle sa kanyang Nicomachean Ethics, ligaya ang puno’t dulo ng buhay ng tao. Naniniwala naman ako dito. Ngunit anong daan ang aking tatahakin upang makamit ang tunay na ligaya? Ano ba ang ligaya para sa akin? At paano ko ibabahagi ang ligayang ito sa ibang tao at sa mundo? Sa puntong ito, ang tanong na “saan ko isusugal ang buhay ko’ ay nagkakaroon ng mas malalim na kahulugan at kahalagahan. Isang buwan na lang, magtatapos na ako sa aking pag-aaral at sasabak na sa mundo. Anuman ang aking pipiliin ay siguradong makakaimpluwensiya sa mga susunod na yugto ng aking buhay. Masasabi talagang pagsusugal ito dahil walang paraan upang malaman ang kahihinatnan ng desisyong ito. Anuman ang kalalabasan nito, ako lamang ang mananagutan.
Ano na nga ba ang gusto kong gawin sa buhay?
Malalim ang naging impluwensiya sa akin ng teolohiya at pilosopiya sa pagbabago ng aking pagtingin sa buhay. Bago ako pumasok sa Ateneo, limitado at masyadong optimistic ang tingin ko sa buhay. Sa kolehiyo nagising ako sa realidad. Hindi pala ganon kasimple at kadali maging isang bantog na manunulat. Oo nga naman, isa lang ang J.K. Rowling sa mundong ito. Namulat din ako sa aking hilig sa iba’t ibang bagay, mula sa teknolohiya at internet, hanggang sa mga tula at nobela, at pati na rin sa negosyo at ekonomiya.
Pangarap ko pa ding maging isang manunulat. Naniniwala ako na dito pa din nakatuon ang aking angking talento at hilig. Naniniwala pa din ako na kahit papano, makakapag-iwan ako ng ambag sa mundong ito sa kapangyarihan ng kwento’t salita. Ito pa din ang tumutulak sa akin na mag-aral at mabuhay, at ito pa rin ang aking pangarap at panaginip.
Subalit, kailangan nga namang ibalanse ang panaginip at realidad. Sa Marso, magatatapos na ako sa kursong BS Management. Sa apat na taon ko sa kolehiyo, inaral ko kung paano magpagalaw at magpalago ng pera. Unti-unti na rin namang nabuo ang aking hilig dito. Ngunit kapag isipin ay taliwas naman ang practical na pamumuhay na ito sa aking romantikong panaginip na maging isang manunulat.
Sa ngayon, bukas ako sa mga posibilidad. Puwede akong magtrabaho sa mga bangko at kumpanya bilang management trainee o tauhan sa marketing, sales, o business development. Puwede din naman akong mag-aral ng Master’s in Economics sa Ateneo habang part-time na nagtatrabaho. Puwede rin akong magturo ng wikang Tsino at tumulong sa Kaisa. Puwede din akong maging freelance na manunulat habang tumutulong sa aming negosyo. O puwede rin akong makipagsapalaran sa ibayong dagat - Canada, China, US, Singapore, Japan, UK - para muling mag-aral at magtaguyod ng bagong buhay doon.
Talaga namang napakaswerte ko na 20 taong gulang ako dito sa malawak na mundong buntis sa kahit anong posibilidad bunga ng pag-unlad ng internet at globalization. Gaya ng parating sinasabi ng aking guro sa pilosopiya, ‘Sa mga nangyari, Salamat, at sa mga mangyayari, Oo.”