(Dahil Madami akong Hindi Nasabi sa aking Oral Exams...)
Isang Pagninilay sa Talinghaga ng Aligbughang Anak
Napakabigat ang tanong, “Bakit pa? Bakit pa ako magpapakabuti kung pareho lang naman? Nasaan ang katarungan doon?”
Hindi ko alam ang sagot dito bago ko napag-aralan at natagpuan ang teolohiya ng pagpapalaya. Bilang panganay na anak, madalas ko ring tanungin sa aking sarili kung bakit ganito, bakit ang daya ng mga mas nakababata kong kapatid? Bakit parang nasa akin ang lahat ng bigat at responsibilidad? At sa mas malalim at malawak na konteksto, bakit may mga masasamang tao na nabibiyayaan? Bakit ko kailangang maglingkod sa mahihirap kung sila din ang mga salarin sa sarili nilang kahirapan?Susubukan kong gamitin ang liwanag ng teolohiya ng pagpapalaya para sagutin ang napakabigat na tanong na ito.
Una tayong tumalikod sa Diyos noong panahon pa ni Adan, ngunit patuloy tayong hinahanap ng Diyos. Ipinadala niya pa ang anak na si Hesus para iligtas tayo mula sa pagtatalikod na nagdulot ng mga kasalanang personal at panlipunan. Dahil nakatalaga na ang mga makasalanang istraktura na ito sa kultura at lipunan, madaming hadlang para maging oo ang ating ugat-pasya para sa Diyos at sa ibang tao. Kailangan lang tayong maging bukas sa pag-ibig na ito, kailangan lang tayong lumundag at maniwala sa Salitang puno't dulo ng sanglikhaan, ng Diyos na namatay at muling nabuhay para sa atin. Dito natin nakikita na bukod sa pagiging imahe ng Diyos, katangi-tangi ang tao sa sanglikhaan dahil ang Diyos mismo ay naging tao para lang iligtas ang sangkatauhan.
Dito mababatid kung gaano kahalaga ang dignidad at diwa ng isang tao. Imahe tayo ng Diyos at kasapi sa kanyang pagmamahal at sanglikha. Ang problema dito, karamihan ng tao sa mundo hindi nakakapagtamasa ng ganitong dignidad. Nahihirapan na silang tugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan. Napipilay at nabubulag sila sa mga istrakturang panlipunan na kanilang kinabibilangan. Dahil dito, nangangailangan sila ng tulong. Dito na papasok ang mapagtanging pagkiling sa mahihirap, upang mapatunayan na ang pagmamahal ng Diyos ay makatarungan at nakapagpupuna ng mga paghihirap ng mga dukha. Kailangan itong pagkiling na ito hindi dahil paborito ng Diyos ang mga mahihirap ngunit dahil ito lamang ang makapagsasakatupad ng katarungan at pagmamahal ng Diyos. Paano mo mararamdaman ang Diyos kung hindi mo man lang alam kung may makakain ka pa sa sunod mong hapunan? Sila'y mas nangangailangan nito. Tayong mga mas nakaaangat at mas nakakaalam ay dapat ding magkaroon ng mas malaking tungkulin, maging mas bukas sa kanilang mga suliranin at hinaing. Nabiyayaan tayo, kaya't may tungkulin tayong maglingkod at makinig sa kanila. Dito na pumapasok ang usapin ng integral evangelization – bago pa man tuunan ng pansin ang pagiging Kristiyano, kailangan muna mas bigyang diin ang pagiging tao ng mga di-tao.
Sa mga mahihirap tunay na naipapahiwatig ang kalikasan ng pagmamahal ng Diyos. Dito na rin nagiging mas malinaw ang mabibigat na tanong para sa panganay na anak. Sa perspektibong panlipunan, masasabi na ang mga tulad ko na nag-aaral sa Ateneo ang panganay na anak – nabiyayaan, masunurin, ligtas sa panganib. Ang mga mahihirap at nawawalang mga kapatid naman ang mga bunsong anak, na kailangan ng paggabay at pagmamahal. Wala akong karapatang sukatin ang kapasidad at bigat ng pagmamahal, dahil maling motibasyon ito. Hindi maaaring tingnan ang pananampalataya at pagsilbi sa Diyos bilang isang pabigat na kailangang may gantimpala. Una tayong nilikha ng Diyos, wala tayong ginawa upang maging karapat-dapat sa pagmamahal na ito, ngunit nandito pa rin tayo, minamahal. Hindi tayo dapat umiiral, ngunit nandito tayo, dahil sa pagmamahal ng Diyos. Dahil batid ko ang katotohanang ito at nasa posisyon ako para tumulong, tungkulin ko na magbigay ng gabay at pagmamahal sa mga nawawala kong mga kapatid. Hindi ito tinitingnan sa lente ng daya, ngunit sa lente ng laya. Hindi ito paglilimita ngunit pagpapalawak at pagpapatupad ng aking pagkatao. Umiiral na dito ang pagiging propeta ng mga taong may pakialam, kung saan tumataliwas sila sa mga nakatalagang istraktura at nagpapairal ng alternatibong realidad na higit na nagpapahalaga sa dignidad at pagmamahal ng Diyos. Bilang isang tunay na Kristiyano at ganap na tao, kailangan kong sundan si Hesus at ipahiwatig ang aking pagmamahal sa kapwa sa pamamagitan ng kapatiran patungo sa ikabubuti ng lahat Sa gayon, tunay na maisabuhay ang magandang balita na may muling pagkabuhay sa kabila ng kasalanan at kamatayan, na ang Kaharian ng Diyos ay hindi sa isang malayong paraiso ngunit narito sa mundo, at pinakamahalaga sa lahat, na ang una at huling salita ng ating Kristiyanong pananampalataya ay pagmamahal..