Minsan inaabangan ko pa din
mga mensahe mula sa ibayong dagat
Gising na, ang ganda ng umaga
O kaya ingat ka, wag magpagabi
Mga maliliit na paalala na
Sa malayong sulok ng mundo ay naroon siya
Nag-aantay, nagmamahal
Minsan naalala ko pa din
ngiting hulog ng langit
Na unang umakit
Sa birhen na pusong
nakahanap na sa wakas ng kapares
Nagdiriwang sa mga yakap at halik
sintamis ng mga alaalang di na babalik
Minsan naririnig ko pa din
Sa katahimikan ng hatinggabi
malambing na tinig na naguumapaw sa tuwa at kilig
at sa isang kisapmata
ako'y matatawa din
Hanggang sa mapagtanto ko
na anino ko lang pala ang nakikinig
Muli ko siyang tatanungin
Bakit mo tinalikuran ang pag-ibig na wagas?
Walang sawa ka niyang hinintay, walang patid kang minahal
Bakit ka tumahak sa di tuwid na landas?
Kahit ilan pang paumanhin mo ay mahirap nang maibuo
ang mga matatalim na bubog
ng basag na puso
Dito na darating ang tanong na pinakamasakit
Bakit mo pinakawalan ang magpakailanman?
Isasagot niya na hindi pa siya handa
Kailangan niya munang makipagsapalaran
Upang hanapin at maging tiyak sa sarili
Lilitaw ang panibagong tanong
Kailan, kailan pa ang tamang panahon?
Minsan bibiyayaan tayo ng tadhana
ng pagkakataong matagpuan ang taong habambuhay mamahalin
Kailan kaya, saan at sino
ang makapaghihilom ng nakaraang kay hapdi?
Bagaman masalimuot ang pag-ibig
Maniwala, magmahal, ngunit huwag kaligtaan
Sa pagmamahal, mahal din ang kabayaran.