Oo AMDG. Parati natin itong naririnig. Ang Matutulog Di Gagraduate.
O kaya naman ay AMDG, Ang Matutulog Durog sa Gagawin.
Pepwede rin ang AMDG, Ang Matutulog Dugo ang Grades.
Nako wala na yata katuturan ang aking mga pinagsasabi. AMDG nga naman talaga… sino bang Atenista ang hindi nakakaranas ng hagupit nito, lalo na kapag patapos na ang semestre? Kaliwa’t kanan ay naiipit at nalulunod ka sa dami ng gagawin. Marketing dito, Opman diyan, Finance doon. Para bang naglalaro ka ng 3 versus 1 sa dota. Pupuntahan mo pa lang ang nasisirang lane sa baba, may sumisira na naman sa gitna. Minsan ay may babackstab pang mga kung anu-ano. Ang sarap ibackdoor o iremake. Problema nga lang, maaalala mo na hindi ka pala nagdodota. Hindi ka pala nasa loob ng laro. Buhay ito. At isang buong kinabukasan ang nakasalalay dito.
At tuwing naaalala mo yan, parang gusto mo na lang magmukmok sa isang tabi at tanungin ang langit kung paano ka napasok sa ganitong gulo. Minsan gusto mo na lang murahin ang sarili mo at ang buong mundo. Gusto mo nang sunugin ang libro ni Davis at Heineke, o kaya i-flush sa inidoro ang obra maestra ni Kotler na ” Principles of Marketing: 12th edition.”
Sa lala ng sitwasyon mo, naiinggit ka na kay Aling Barker sa may ilalim ng tulay. Buti pa siya pasigaw-sigaw lang , samantalang dumudugo na ang utak mo sa pagbibilang ng mga financial statements dito. Naiinggit ka na rin pati sa bula. Buti pa siya palipad-lipad lang tapos puwede na lang biglang mawala.
Bakit ko naman naisip magsulat ng ganito? Dalawang bagay ang tumulak sa akin. Unang rason: Minsan nasusuka na rin kasi ako sa mga pinagsusulat ko. Mukhang malalim nga, puro pag-eemo lang pala ang laman. Pangalawang rason: Dahil dinalaw ako kagabi sa aking pagtulog ng bagay na mas nakakatakot pa sa bampira at kapre.
Nanaginip ako ng financial statements.
Akala ko ay makikita mo lang ang mga balance shit, incum statements at mga kapareho nilang nakakadiring bagay sa mga librong binubuklat lang kapag open books ang exam, sa mga exam na tinutuluan ng laway, at siyempre, sa mga kubeta. Kaya laking gulat ko na lang nang binisita nila ako pati sa pagtulog. Walang hiya naman o, hindi talaga ako tinigilan.
Bago ako nanaginip, buong araw na rin akong nagsosolve ng financial statements sa Microsoft Excel para sa aming Marketing pass 3. Hindi lang pala buong araw, buong magdamag na rin. Kaya nga AMDG ang pamagat nito e. Mga 30+ hours na rin akong gising.
12 ng hatinggabi ng Feb 27, ganadong-ganado pa sa pagsusulat. Tuwang-tuwa pa ako sa Microsoft Excel. Autofill… isa sa mga hiwaga ng modernisasyon. Ganadong-ganado pa ako sa pagtatype ng mga projected revenues, projected units sold…
2 am, tuloy tuloy pa rin. Naghahanap ako sa Google at sa NSO at sa SEC ng data na gagamitin ko para sa demand derivation analysis. Tuwang-tuwa pa ako sa mga nakikita ko. Ganyan pala karami ang nakatira sa NCR. May 2000000 palang lolo sa Pilipinas…
3 am. Nahihilo na ako sa mga numero. Itigil muna ang pagtatrabaho. NBA.com muna. Pinanood ang lahat ng highlights nina Lebron James at Kobe. Facebook naman. … changed profile picture. Patingin nga. … is now single. … wrote on his wall. Click. New photos uploaded. … tagged you in a note. Random things.
Tumitilaok na ang mga manok. Sumisilip na ang araw. Tingin sa orasan -
5 am na pala. Wala na akong gana magtrabaho. Ngunit may nagbuzz sa akin, tinanong kung tapos na ako. Sige, gawa na ulit. Wala pa pala akong kalahati sa kalahati ng aking kailangang gawin.
6 am. Nakikain ng almusal na spam at kanin kasama ng mga kapatid. “Hello.” “Good Morning.” “Nagmeet na tayo.” Konting tawanan at pumasok na sila sa paaralan. Ako naman ay patuloy nakatitig sa screen ng laptop. Kinakabahan na.. wala pa rin ako halos nagagawa.
9 am. Wala pa rin sa kalahati. Kung ano ano na ang iniisip. Minsan nagtataka ka rin kung bakit asul ang kulay ng Ateneo, para bang ang lamig at mapayapa. Kung tutuusin mas bagay yata sa Ateneo ang puti. Kasi yung mga estudyante nagsisiputian na ang mga mukha at buhok sa pag-aaral, pero pagdating ng exam, puting-puti rin ang papel dahil walang masagot. Pwede rin siguro ang pula, kulay ng impyerno. Bagay rin. Tutal parati namang hell week.
10 am. Nakatanga na lang sa pader.
11 am. Inaantok na.
12 nn. Natataranta na. 12:30 ang pasok ko. Sa wakas umabot na sa kalahati ang ginagawa. Sige lang type na lang ng type. May kulang pala. Imbento na lang.
1 pm. Hindi pa rin tapos. Umuwi na kapatid ko galing sa paaralan. Ako naman ay nakaupo pa rin sa parehong upuan ng labing-anim na oras at patuloy na nakatitig sa laptop. Patuloy akong nakatitig sa mga numero. Nakatitig rin sila sa akin.
1:30 pm. Nakikipagtitigan pa rin sa mga numero.
2:00 pm. Natatawa na naiiyak.
2:30 pm. Hindi na gumagana ang utak.
3:00 pm. Papasok na sa paaralan. Hawak hawak ang laptop. Sa loob ko nagkahalo-halo na ang pagkataranta, galit, pagsisisi, mga numero, kiliti, at pagod. Sa madaling salita, nababaliw na. Nakatingin sa akin ang mga pasahero sa LRT dahil tuloy pa rin ang paggamit ko ng laptop kahit nakatayo na sa LRT. May naririnig na tawa sa tabi pero wala nang pakialam. Kailangan ito tapusin.
3:15 pm. Nakasakay sa tricycle. Humarap ang manong nang marinig ang tinig ng pagpindot sa loob ng kanyang trike. Laking gulat niya na may nagkokompyuter sa loob ng tricycle. Desperado na talaga.
3:30 pm. Dahil lumiban ako sa klase ko sa Finance, pumunta ako sa SOM upang tanungin ang resulta ng Finance Long Test. Hindi ko na sasabihin ang marka, basta na lang akong lumabas sa opisina na nakatingin sa sahig.
4:30 pm. Hindi pa rin tapos. Halatang nababaliw na rin ang iba kong mga kagrupo. Tumatawa ng mag-isa ang isa. Yung isa naman ay sumisigaw na. Nakatitig ako sa pisara. 5 pm kailangang ibigay ang papel.
4:50 pm. Nagpapaprint sa JSEC. Habang nag-aantay at nag-iisip kung aabot ba kami, lumipad din ang isip ko sa ibang bagay… MInsan nakakatawa rin isipin, nagpapakahirap ang mga magulang para bayaran ang institusyon na pahirapan ang mga anak. Ganyan kasi ginagawa ng lahat kaya nakikisabay na lang rin yung iba. Pero wala tayong magagawa, ganyan talaga ang buhay. Buti na lang para lang rin itong gulong, paikot-ikot. Nagkataon lang ngayon, ikaw ang nasa baba at naiipit. Pagdating naman ng summer, balik ka na sa taas ng gulong. Pagdating ng Hunyo, iikot ulit pababa. Kailangan lang talaga ng konting tiis. Diba’t tinanong nga ang isang pilosopo kung ano ang sikreto sa buhay, at sinagot niya ito sa apat na salita, “This too shall pass.” Kasabay nito, inaasahan mo rin na hindi ka lang paikot-ikot sa gulong habang buhay. Inaasahan mo rin kahit papano na balang-araw malalagpasan mo na ang gulong at ikaw na ang magmamaneho.
5:00 pm. Tumakbo mula sa JSEC hanggang sa 3rd floor ng SOM. Hingal na hingal habang inaabot ang papel sa secretary. 5:00 pm. Walang kulang, walang labis. Sa wakas! Hindi naman lahat ng tao ay kailangang dumanas ng ganito. Kung hindi ka naman tamad tulad ko, maaari ka namang gumraduate kahit matulog ka pa. Maaari kang makakuha ng mataas na marka kahit hindi ka tumakbo mula JSEC hanggang SOM dept sa loob ng isang minuto. Ngunit masaya rin ang ganito. Exciting kahit papano.
1 am to 11 am, Feb 28. - Nakatulog at nanaginip. Hindi talaga ako tinantanan.
Ang sarap maging Atenista.
No comments:
Post a Comment